Nauna na kami kahapon sa pagdalaw sa aming mga magulang sa Eternal Gardens. Mahirap makipagsiksikan ngayong November 1, matindi ang trapik, nagmimistulang karnabal ang mga sementeryo sa dami ng mga dumadalaw.
Ibang-iba na talaga ang Undas ngayon. Parang concert scene na ang sementeryo, kanya-kanyang dala ng sounds ang mga kababayan natin, parang may party rin sa dami ng dala-dala nilang mga pagkain.
Pero sa anumang paraan ipinakikita ang pag-alala ay positibo pa rin. Hindi pa rin kinukupasan ng panahon ang masarap nating pag-alala sa ating mga mahal sa buhay na namayapa na.
Lagi natin silang binibigyan ng panahon, ibang-iba ang lahing Pinoy, hindi ‘yun maaagaw sa atin kailanman. Kahapon ay may kaibigan kaming nangulit sa telepono, “Kapatid, alam mo ba kung saan nakalibing ang mommy ni Alden Richards? Ito kasing mga alaga kong becki, gusto raw makitulos ng kandila sa mommy niya!”
Sagot nami’y taga-Laguna ang pamilya ni Alden pero hindi namin alam kung saan nakahimlay ang kanyang dakilang ina. May bilin pa ang aming kaibigan, “Sana, malaman ko lang. Ang mga becki, ayaw akong tantanan!”
Isa lang ang naisip namin, ibang klase na nga ang kasikatan ni Alden, hanggang sa kanyang pribadong panahon ay gusto pa rin siyang maka-selfie ng ating mga kababayan.
Hanggang sa sementeryo, may AlDub pa rin, talaga rin naman!
No comments:
Post a Comment